Ginang itinumba habang nagma-mahjong

MANILA, Philippines - Patay ang isang ginang makaraang pagbabarilin habang naglalaro ng mahjong­ kasama ang kanyang kapitbahay sa Quezon City, kama­kalawa ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Marissa Suntario, 43, balo,  ng Matias St.,Brgy. Paltok, sa lungsod Si Suntario ay idineklarang dead-on-arrival sa Quezon City General Hospital dahil sa tama ng bala sa ulo.

Ayon kay SPO1 Richard Managuelod ng Quezon City Police District-Station 2 Ma­sambong, naganap ang insidente sa Matias St., Brgy. Paltok sa lungsod dakong alas-5:30 ng hapon. Sinabi sa ulat na nasa kasarapan ng pakikipaglaro ng mahjong ang biktima nang pasukin ng isang salarin na nasa 5’8’’ ang taas, mataba ang pangangatawan, naka­suot ng jacket na itim, itim na pantalon, naka-helmet,  sa bahay na kinaroroonan ng biktima.

Malapitang pinagba­baril ang biktima at nang naka­lugmok na ay binaril pa sa ulo para matiyak na patay ito.

Matapos ang pamama­ril,  tumakas ang suspek sakay ng isang hindi naplakahang motorsiklo. Blangko pa ang pulisya sa  motibo sa isinagawang pagpaslang habang patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.

Show comments