Truck salpok sa jeep: 3 sugatan
MANILA, Philippines - Tatlo katao ang sugatan makaraang sumalpok ang isang 10- wheeler truck sa isang pampasaherong jeepney, bago tuluyang tumbukin ng truck ang isang showroom ng mga kotse sa Quezon Avenue, lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Ayon kay Insp. Benjamin Layug, hepe ng Quezon City Police Traffic Sector 1, nakilala ang mga sugatan na sina Edalyn Bolido, 39; Domingo Clarenimo, 56; kapwa sakay ng pampasaherong jeepney; at Rito Zinampan, driver ng dump truck. Sila ay pawang ginagamot ngayon sa East Avenue Medical matapos magtamo ng mga injuries sa kanilang mga katawan.
Naganap ang insidente sa may kahabaan ng Quezon AvenueÂ, Roosevelt St., Brgy. West Triangle, ganap na alas- 4:25 ng madaling-araw.
Diumano, magkasunod na binabaybay ng dump truck (RCC-119) na minamaneho ni Zinampan at pampasaherong Jeepney (TXR-290) na minamaneho naman ni Juanito Bohol ang nasabing lugar nang biglang salpukin ng una ang hulihang bahagi ng PUJ.
Sa lakas ng impact, sumirit papalayo ng ilang metro ang PUJ, dahilan para maalog ang mga pasahero nito sa loob at masugatan ang dalawang biktima.
Subalit ang truck, sa halip na tumigil ay lumihis ito ng daan saka dumiretso sa showroom ng Chevrolet.
Basag ang mga salamin ng showroom kung kaya nadale ang isa sa mga naka-display na sasakyan na nasa loob nito.
Wasak ang unahan ng trak maging ang windshield nito na ikinasugat ng driver na si Rito.
Sinasabing nakatulog umano ang driver na si Rito habang nagmamaneho, base sa pahayag ng ilang saksi dahilan para mauwi sa aksidente ang nasabing biyahe nito. Kasong reckless imprudence resulting in damage to property and physical injuries ang kinakaharap ngayon ni Rito.
- Latest