Lolo patay sa sunog sa Binondo

MANILA, Philippines - Isang 70-anyos na  Tsinoy  ang nasawi habang isang fire volunteer  ang nasugatan sa sunog na naganap sa  isang residential-commercial building na nasa panulukan ng Claro M. Recto at Sto. Cristo St. Binondo, Maynila, kahapon ng umaga.

Kinilala ni Manila Fire Bureau (MFB) Fire Marshall F Supt. Jaime Ramirez ang biktima na si Joseph Ng, 70, na sinasabing bedridden kaya hindi na nagawang makababa mula sa ika-5 palapag ng Chua Limco Building na mata­tagpuan sa panulukan ng C.M. Recto at Sto. Cristo St.

Ligtas naman kahit sugatan ang isang Marel Wong, ng Filipino-Chinese Fire Vo­lunteer Brigade nang may sumabog sa kasagsagan ng sunog at mabasag ang salamin­ na tumama sa daliri niya.

Nabatid na nagsimula ang sunog alas-10:30 ng umaga na umabot sa Task Force Alpha­ at idineklarang fire control dakong ala-1:41 ng hapon.

Tinatayang  may P5 milyon­ halaga ng ari-arian ang na­pinsala  sa nasabing gusali na ilan ay residential at ang iba ay ginagawang bodega ng mga panindang damit, plastic at iba pang produkto habang sa ibaba ay may convenience store.

Iniimbestigahan pa ang sanhi ng sunog.

Show comments