Nang-hostage ng dalagita, dedo sa parak

MANILA, Philippines - Patay ang isang lalaki matapos na barilin ng mga ru­mespondeng pulis makaraang ihostage at tangkang saksakin ang isang 14 -anyos na dalagita sa lungsod Quezon.

Ang nasawing suspek na kinilala lamang ng kanyang dating amo sa alyas na Edwin ay nagawa pang maitakbo sa ospital, pero binawian din ng buhay, ayon kay Quezon City Police District Director Chief Supt. Richard Albano.

Nagtamo naman ng sugat sa kanyang leeg at kaliwang braso ang hinostage na dalagita na si Jhoanna Tipay.

Sa ulat ng Police District Station 10, halos 20 minutong hostage drama ay naganap sa may intersection ng New York St., at E. Rodriguez St., Brgy. Immaculate Concepcion, alas-6:20 ng gabi.

Bago ito, ayon kay Jose Gil Gregorio, barangay ex-O, nagpunta umano ang suspek sa tindahan ni Juanita Timbal, 68, na matatagpuan sa Aurora Blvd. noong Sabado ng gabi upang makitulog.

Dati umanong helper ni Aling Juanita ang suspek kung kaya pumayag ang una na makitulog ito.

Subalit, hindi umano natulog ang suspek hanggang kamakalawa ay nag-iba na umano ang kilos nito dahilan para samahan ni Timbal sa barangay hall at humingi ng tulong.

Nang makita ng suspek ang mga opisyal ng barangay ay bigla na lamang nitong hinostage si Aling Juanita, pero nang mapaki-usapan ni Brgy. Chairman Ramon Salas ay pinakawalan din ito.

Nagtatakbo ang suspect sa tindahan ni Timbal at hinostage naman ang dalagita, hawak ang isang patalim.

Habang nakatutok ang patalim sa dibdib ng biktima ay dinala siya ng suspek palabas ng kalye hanggang sa maka­rating sila sa E. Rodriguez Avenue corner New York St.

Dito na nagsipagdatingan ang mga tropa ng PS10 at isinagawa ang negosasyon.

Subalit, walang puwang sa suspek ang pag-uusap, ayon kay PO3 Anthony Tejerero, sa halip ay tinangka nitong saksakin ang dalagita, dahilan para mapilitang barilin na ito ng mga awtoridad.

 

 

Show comments