MANILA, Philippines - Pinatay sa sakal ang isang hindi pa nakikilalang babae sa loob ng Selenna hotel sa Cubao, Quezon City, kahapon ng umaga.
Ang biktima ay sinaÂsabing namatay dahil sa matinding pagkasakal.
Ayon sa ulat ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), natagpuan ang bangkay ng biktima sa Room 331 ng Selenna Hotel na mataÂtagpuan sa kahabaan ng Aurora Blvd., sa panulukan ng Stanford St., Brgy. Socorro sa lungsod dakong alas-6:30 ng umaga.
Nabatid sa ulat na bago natagpuang patay ang biktima ay nakarinig muna ng malakas na sigawan sa loob kuwarto ng biktima.
Agad tinungo ng mga staff at tauhan ng hotel ang kuwarto ng biktima kung saan bumulaga sa kanilang harapan ang wala nang buhay na biktima habang may tali pa ng tuwalya sa kanyang leeg.
Nakatakas naman ang kasamang lalaki ng biktima matapos magpumiglas ito habang pinipigilan ng mga staff sa hotel matapos dumaan sa 2nd floor.
Inaalam na ng mga awtoridad ang pagkakaÂkilanlan sa nasawi at moÂtibo ng naturang krimen.