Gitgitan sa trapik Jeepney driver dedo sa rider

Bumulagta sa loob mismo ng kanyang pinapasadang jeep si Johnny Mateo, makaraan itong barilin ng isang hindi nakikilalang rider na sinasabing nakagitgitan nito sa trapik sa Intramuros, Maynila. (Kuha ni JOVEN CAGANDE)

MANILA, Philippines - Utas ang isang 38-anyos na jeepney driver nang barilin ng isang lalaking sakay ng motorsiklo dahil lamang  sa gitgitan sa trapiko sa Intramuros, Maynila,  kahapon ng madaling-araw.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Johnny Mateo,  residente ng  Ricon St., Malinta, Valenzuela City dahil sa tinamong tama ng bala sa ulo.

Inaalam naman ang pagkakakilanlan sa tumakas na suspek na nakasakay ng isang pulang Honda motorcycle, na nakasuot ng helmet at armado ng hindi nabatid na kalibre ng baril.

Sa ulat ni SPO3 Glenzor Vallejo ng Manila Police District-Homicide Section, dakong  alas-12:45 ng ma­daling-araw nang maganap ang insidente sa Bonifacio Drive sa Anda Circle, Intramuros.

Ipinapasada ng biktima ang jeep (NVC 236) na may rutang Malanday-Pier (vice versa) nang dikitan siya ng suspek at barilin nang malapitan sa ulo.

Nagpagewang-gewang umano ang takbo ng jeep, kaya ang pasaherong kinilalang si Christopher Mateo, 28, ang umalalay sa manibela upang hindi sila mabangga hanggang sa huminto na lamang pagsapit sa gate ng Eastern Shipping Lines dahil binawian na ng buhay ang driver na hindi na nakontrol ang minamaneho.

Humarurot umano ang suspek sa direksiyon ng Delpan Bridge, north-bound.

Ayon kay Chief Insp. Steve Casimiro, hepe ng Homicide Section, maaaring ang gitgitan ng kanilang mga sasakyan  ang naging dahilan para mapikon ang suspek at dahil armado ay pinaputukan na lamang ang biktima nang walang komprontasyon. (Kasama si Mae Palmones)

 

Show comments