Matinding trapiko sasalubong sa mga balik-Metro Manila

MANILA, Philippines - Inaasahang sasalubong sa mga motorista na babalik sa Metro Manila ang mabigat na daloy ng trapiko  parti­kular na sa EDSA dahil sa hindi pa natatapos na “concrete re-blocking” ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Pinayuhan na lamang ni Metropolitan Manila De­ve­lopment Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino ang mga motorista na gu­ma­mit ng mga alternatibong ruta at huwag nang makipagsik­sikan sa EDSA ngayong Lunes.

Posibleng matatapos ang pagkukumpuni ng DPWH dakong alas-5 pa ng umaga ng Lunes ngunit maaaring magkaroon pa rin ng pagbibigat ng daloy ng trapiko sa mga motoristang madaling-araw pa lamang ay uuwi na.

Sa mga manggaga­ling naman sa South Luzon Express­way (SLEX), inirekomenda ni Tolentino na dumaan­ na lamang sa C-5 o sa Osmeña Highway para hindi na makabigat sa EDSA.

Sa monitoring naman sa South Luzon Expressway (SLEX), nag-umpisa nang magsibalikan ang ilang bakasyunista nitong Sabado pa lamang.

Inaasahan na dadagsa ang pagbabalik ng mga motorista nitong Linggo ng gabi hanggang ngayong Lunes ng umaga.

 

Show comments