4 kalaboso sa derby ng gagamba

MANILA, Philippines - Kulungan ang binagsakan ng apat na lalaki na nahuli sa aktong nagsusugal sa pama­magitan ng derby ng mga gagamba, kamakalawa ng hapon sa Navotas City.

 Nakilala ang mga nadakip na sina Cristopher Ocampo, 40-anyos, ng Roldan St.; Anthony Reyes, 24, ng Cabrera St.; Ariel Faustino, 47, ng Cabrera st., pawang ng Brgy. San Roque, Navotas; at Rey Mikael Caranglan, 27 ng M. Naval St., Brgy. San Jose pawang, ng naturang lungsod. Sa ulat ng pulisya, dakong alas-4:10 ng hapon nang makatanggap ng tawag sa telepono ang  Navotas City Police ukol sa nagaganap na iligal na sugal sa may Cabrera St., Brgy. San Roque.

Nang rumesponde sa naturang lugar, inabutan ng mga pulis ang isang grupo ng mga lalaki na nagkakagulo sa isang laban ng mga gagamba.  Agad na dinampot ng mga pulis ang apat na mga suspek habang nagawang makatakbo ng iba pa.

Nahaharap ngayon ang mga suspek sa paglabag sa Presidential Decree 1602 o Anti-Illegal Gambling Law.

 

 

Show comments