Motor ipinost sa FB: 2 karnaper huli sa entrapment

MANILA, Philippines - Arestado ang dalawang hinihinalang karnaper nang  i-entrap ito ng mga pulis matapos i-post sa internet ang natangay na motorsiklo sa
 Valenzuela City.


Nakilala ang mga suspek na sina Aljer Dice, 23; at Junel Martin “alyas John Carlo Guevarra”, 26, kapwa taga  Tatlong Hari St., Novaliches, Quezon City.


Sa pahayag sa Valen­zuela City Police ng biktimang si Jocel Relimbo, 35, nabatid  na alas-9:00 ng gabi noong nakalipas na Marso
 13, 2014 nang matangay ng hindi pa kilalang mga suspek ang gamit nitong Honda XRM (9727-TQ) habang nakaparada sa MacArthur Highway,
 Karuhatan, Valenzuela.


Nagsumbong sa mga pulis si Relimbo hanggang sa makita sa internet na may ibinebentang motorsiklo sa halagang P33,000.


Nang tingnan ng biktima ang larawan ng binebentang motorsiklo ay hawig sa nawa­wala niyang motorsiklo na naging dahilan upang 
subukan kontakin ang nag-post na nakapangalan sa isang ‘John Carlo’.


Sinabi ng biktima ang nakita sa mga pulis na nagkasa ng  entrapment operation kung kaya kinontak ng biktima si John Carlo bago 
tinawaran kunwari ng P30,000 ang ibinebantang motorsiklo.

 Nagkasundo naman at magkikita umano sa SM Fairview upang magbayaran na naging dahilan upang samahan ng mga pulis ang biktima at
 magtungo sa nasabing lugar  alas-5 kamakalawa ng hapon.


Naghintay ang biktima sa lugar habang bahagyang lumayo ang mga pulis at nang dumating ang mga suspek sakay ng tig-isang motorsiklo ay
 naganap na ang tran­saksiyon.


Nang makita ng biktima ang ibinebentang motorsiklo ay napansin ng una ang kanyang palatandaan na basag sa headlight at nakataling 
rosaryo sa kaliwang manibela na naging dahilan upang magbigay hudyat sa mga pulis.


Naglapitan ang mga pulis at dinakip ang mga suspek kung saan nakuha kay John Carlo ang lisensiya na nakapangalan sa kanya at isa pang 
lisensiya na naka­pangalan naman sa isang Junel Martin na siya rin ang nasa larawan, Honda XRM (9727-TQ) na nakapangalan kay John Carlo 
Guevarra  ha­bang nabawi kay Dice ang dalang Isuzu Enduro subalit walang dalang papeles.


Inaalam na ng mga pulis kung sino talaga ang may-ari ng dalawang motorsiklo habang dinala ang mga suspek sa presinto at nakatakdang sampahan ng kasong carnapping habang nadagdagan ng kasong concealing true name naman si John Carlo Guevarra o Junel Martin.

Show comments