MANILA, Philippines - May 50 pamilya ang nawalan ng tirahan makaraang sumiklab ang sunog sa isang barangay sa lungsod Quezon kahapon ng madaling araw.
Sa inisyal na ulat ng Bureau of Fire Protection, ang sunog ay naganap sa may San Simon St., Brgy. Holy Spirit, ganap na alas 5:12 ng madaling araw.
Hindi naman mabatid ng BFP kung saang bahay nagsimula ang apoy dahil halos dikit-dikit ang naturang kabahayan sa naturang lugar.
Mabilis na kumalat ang apoy dahil sa pawang mga gawa sa light materials ang nasabing mga bahay.
Isang residenteng nakilalang si Domingo Dela Cruz ang iniulat na nasugatan sa kamay habang tumutulong sa pag-apula ng apoy.
Umabot naman sa ika-apat na alarma ang sunog, bago tuluyang naapula ito ganap na alas 6:25 ng umaga. May 17 kabahayan ang sinasabing nasunog.