MANILA, Philippines - Sinampahan na ng kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002 ang dalawang pulis na unang nadakip ng mga tauhan ng Makati City Police nang maaktuhan na nagsasagawa ng pot session kasama ang pangunahing suspek sa pagpatay sa isang fashion designer sa Caloocan City.
Nakaditine na ngayon sa Caloocan City Police detention cell ang mga parak na sina PO2 Danbeth Geronga, nakatalaga sa Barugo Police sub-Station at PO1 Ryan Tabudlong, ng Sub-Station 4, kapwa ng Caloocan Police.
Ito ay makaraang ipasa ng Makati City Police sa Caloocan City Police ang kustodiya kina Geronga at Tabudlong makaraang matiyak na walang kinalaman ang mga ito sa pagpaslang sa fashion designer na si Kenneth Chua.
Matatandaan na nadakip ang dalawang pulis kasama si Rogelio Aguit sa may Doña Ana, Camarin sa operasyon ng Makati Police dahil sa pagpatay kay Chua. Nang pasukin ang bahay ni Aguit, naaktuhan rin sa loob sina Geronga at Tabudlong na nasa aktong gumagamit umano ng iligal na droga.
Tiniyak naman ni Sr. Supt. Bernard Tambaoan na hindi niya kukunsintihin ang mga tauhan at pananagutin sa kanilang krimen upang hindi pamarisan ng mga kasamahan sa serbisyo.