Madugong b-day party: Binata patay

MANILA, Philippines - Patay ang isang binatilyo makaraang barilin sa gitna ng isang inuman sa dinaluhang birthday party sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Namatay habang ginagamot sa Manila Central University Hospital sanhi ng tama ng bala sa katawan si Jayson Arcega, 16, ng Gen. Mascardo St., Bagong Barrio, ng naturang lungsod.

Agad namang naaresto ng mga awtoridad ang suspek na si Jimboy Gomez, 19, ng Kalayaan St., Bagong Barrio, ng naturang lungsod.

Sa ulat ng Caloocan Police, unang dumalo sa selebrasyon ng kaarawan ng kabarkadang si John Michael Santos si Arcega sa may Milagrosa St.  sa Bagong Barrio at nakiumpok sa inuman. Dakong alas-10:45 ng gabi nang sumulpot ang grupo ng mga suspek at paputukan ang umpukan.  Dito minalas na napuruhan si Arcega.

Agad namang tumakas ang grupo ng suspek ngunit nadakip sa follow-up operation si Gomez na itinangging siya ang namaril kina Arcega.

Lumalabas sa imbestigasyon na kabilang sa magkalabang grupo sa Bagong Barrio ang biktima at ang mga suspek na matagal nang naggagantihan.

Show comments