Salvage victim, ikinahon

MANILA, Philippines - Isang  bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki na pinaniniwalaang biktima ng salvage at nakalagay sa isang balikbayan box ang natagpuan, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.

Ayon kay Senior Supt. Florencio Ortilla, hepe ng Pasay City Police,  alas-6:00 ng umaga nang matagpuan ng mga nagrorondang barangay tanod ang nakasilid na bangkay ng lalaki sa isang kahon sa harap ng isang bahay sa  M. Dela Cruz St. ng naturang lungsod.

Tinatayang nasa pagitan ng 35 hanggang 40-taong gulang, nakasuot ng gray na t-shirt at maong na pantalon, may tattoo na “Cheska” sa kanang balikat at laslas ang leeg ang biktima.

Nakita naman sa kuha  ng close circuit television camera sa naturang lugar na ang dalawang lalaki na nakilalang sina Joseph Torrente, 30,   at isang Fernand Villegas,  na residente rin sa  lugar ang may kagagawan sa pagtatapon ng kahon na may lamang bangkay ng biktima.

Kaagad namang nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya,  subalit bigo silang madakip ang dalawa habang ina­alam pa ng pulisya ang motibo sa naturang pamamaslang at inaalam na rin ang pagkakakilanlan ng bangkay ng lalaki.

Show comments