MANILA, Philippines – Aabot sa 120 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos masunog ang dalawang squatters’ area sa Barangay Cembo at Barangay Guadalupe Nuevo sa Makati City Huwebes ng gabi.
Nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng bahay ni Rose Reniva sa Barangay Cembo ganap na 5:16 ng hapon.
Kumalat ang sunog sa katabing barangay sa Guadalupe Nuevo dahil sa lakas ng hangin.
Ayon kay Makati Fire Arson Investigator Senior Inspector Tito Purgatorio, 100 pamilya ang nawalan ng tirahan sa Cembo, habang 20 sa Guadalupe Nuevo.
Dagdag niya na pinaghihiwalay ng isang creek ang dalawang barangay.
Umabot sa Task Force Bravo ang sunog na naapula ganap na 6:45 ng gabi.
Inaalam pa rin ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog at halaga ng mga tinupok na ari-arian dalawang araw bago ang Fire Prevention Month sa Marso.