Sariling bahay sinunog: Ex-pulis huli sa pagpapaputok ng baril

MANILA, Philippines - Kulungan ang bagsak ng isang dating pulis, matapos arestuhin ng otoridad dahil sa pamamaril at tangkang panununog sa kanyang bahay habang inaaresto sa lungsod ng Quezon, kamakalawa.

Kinilala ni Supt. Eleazar Matta, hepe ng Quezon City Police Station 6 ang suspek na si Julius Alatraca, 43, at residente sa no. 731 A. Litex Road, Brgy. Commonwealth sa lungsod.

Ayon kay Matta, si Alatraca ay dating pulis na may ranggong Police Inspector na nakatagala sa Police Security Protection Group (PSPG) na nakatalaga sa Senado at nasibak sa tungkulin dahil sa kasong absent without leave o Awol, noong taong 2009 bukod pa sa pagkakaharap sa patung-patong na kaso tulad ng Obruction of free Flow of Pedestrian, attempted homicide, illegal discharge of firearm at paglabag sa republic act 10591 o ang comprehensive law of firearms and ammunitions.

Ang ilan sa mga ito, ayon pa kay Matta, ay reklamo ng kanilang tanggapan at nang isang Julius dela Cruz, 43, Barangay Ex-o at residente sa  San Roque St., Brgy. Commonwealth.

Nag-ugat ang insidente nang puntahan sa bahay ni Dela Cruz kasama ang apat pang barangay tanod ang suspek para komprontahin kaugnay sa tindahan nito na lumampas na sa bangketa ng Litex Road.

Diumano, hindi pumayag ang suspek na alisin pa ang lumabis sa bangketa dahilan para magkaroon ng mainitang pagtatalo, hanggang sa pagbabarilin ng una ang mga huli, pero masuwerteng hindi tinamaan.

Dahil dito, mabilis na nagtungo ang mga barangay tanod sa himpilan ni Matta at humingi ng ayuda. 

Agad namang rumisponde si Matta kasama ang tropa ng Special Weapon and Tactics sa pamumuno ni Police Senior Insp. Alejandro Pagar at kinausap ang suspek.

Habang nakikipag-negosasyon si Matta, nagpaputok ng sunod-sunod ang suspek, hanggang sa simulan nitong sunugin ang kanyang bahay.

Dito na hinagisan ng teargas ang loob ng bahay ng suspek, hanggang sa pasukin na siya sa loob ng mga SWAT at arestuhin.

Narekober sa suspek ang isang Amscor na kalibre 45 pistola na may mga lamang bala ang magazine, 40 pang basyo nito, at isang Ruby Extra cal. 22 na may anim na basyo ng bala.

 

Show comments