‘Tulak’ todas sa ka-riding in tandem

Sinisiyasat ng  mga tauhan ng  MPD-Homicide Section ang bangkay ni Fernando dela Cruz na binaril ng kanyang  kaibigan matapos na mabigong makabili ng  shabu. (Kuha ni Bening Batuigas)

MANILA, Philippines - Mismong ang kaangkas umano sa motorsiklo ang bumaril at nakapatay sa isang 37 anyos na lalaki, nang hindi umano maka-iskor ng ‘bato’ o shabu, sa Islamic Center, sa Arlegui, Quiapo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.               

Iniwan na lamang sa kalye nang bumulagta matapos barilin ng tatlong beses ang biktimang si Fernando de la Cruz, Jr., na batay sa identification card ng kanilang barangay ay residente ng #270 P.Burgos St., Poblacion, Mabalacat, Pampanga, ng di pa kilalang suspek na nagmaneho ng motorsiklo.

Sa ulat ni SPO3 Rodelio Lingcong, ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-12:10 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa Arlegui st., Quiapo, Maynila.

Sa impormasyong nakuha ng pulisya sa isang parking boy, dumating ang biktima at suspek na magkaangkas sa motorsiklo at narinig umano nito ang usapan ng dalawa kung saan inuutusan ng suspek ang  biktima na bumili ng ‘bato’.

 Subalit makaraan ang ilang minuto ay bumalik  ang biktima at sinabi sa suspek na wala itong makukuha o mabibili, hanggang sa barilin na ito ng suspek.

Inilagak sa Nathan Funeral Homes ang bangkay at patuloy pang iimbestigahan ang insidente.

Show comments