Trader todas sa ambush

MANILA, Philippines - Patay ang isang negosyante matapos itong pagbabarilin ng anim na hindi pa naki­kilalang mga suspek kamakalawa ng gabi sa Parañaque City.

Dead-on-arrival sa Parañaque Doctors Hospital ang biktimang si Jusio Jenie Lim, 47, nakatira sa #1 Grand Villa Drive, Levy Town Village, Bgy. Don Bosco ng naturang lungsod, nagtamo ito ng ilang tama ng bala sa ulo at katawan.

Nagsasagawa pa ng follow-up ang pulisya hinggil sa insidente at inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga suspek.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng Parañaque City Police na naganap ang insidente alas-7 ng gabi sa kahabaan ng Saudi Arabia St., Bgy. Don Bosco ng na­turang siyudad.

Minamaneho ng biktima ang kanyang Mercedez Bench na may conduction sticker ZX-5633 at kasama ang live-in partner na si Medith Nepomuceno nang biglang hinarang ng isang kulay puting Kia Van na walang  plaka.

Sakay sa naturang Kia van ang anim na kalalakihan na pawang armado ng mga baril, dahilan upang lumabas ng sasakyan at tumakbo  si Nepomuceno dahil sa takot upang humingi ng tulong.

Pumasok naman ang mga suspek sa loob ng kotse ni Lim at dito na nila pinagbabaril ang biktima.

Sinasabing tinangka umano ng mga suspek na magpakita ng warrant of arrest kay Lim, ngunit pumalag umano ito.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na nagsitakas ang mga suspek at ang biktima naman ay dinala sa naturang pagamutan.

Nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang Parañaque City Police upang matukoy ang mga suspek.

Samantala ang live-in partner nitong si Nepomuceno ay halos ma-shock sa mga pangyayari. Na-recover ng pulisya ang ilang pirasong  empty shell ng kalibre  .45 pistola.

Show comments