Bagong video ng NBI: Cornejo hinalikan ni Lee sa leeg

MANILA, Philippines - Magkasintahan sina Deniece Cornejo at Cedric Lee?

Ito ang lumalabas na tanong sa bagong CCTV footage na inilabas ng National Bureau of Investigation (NBI) sa media.

Ang naturang video ay kuha sa elevator ng Forbeswood Heights condominium, kung saan nangungupahan si Cornejo at kung saan din binugbog ng grupo ni Lee ang TV host na si Vhong Navarro noong Enero 22.

Ang video ay kuha umano mga bandang madaling araw na ng Enero 23 o ilang oras matapos ang pambubugbog.

Sa naturang video, kitang hinalikan ni Lee si Cornejo sa bandang leeg habang nakapuwesto sa isang sulok ng elevator.

Ang video ay ipinakita sa late night news program na "Bandila" ng ABS-CBN, kung saan talent si Navarro.

Ang video ay kabilang sa mga bagong recordings na nakuha ng NBI.

May video rin na ipinakita ang NBI nagpapakitang bago pa dumating si Navarro sa condo ni Cornejo noong gabi ng Enero 22 ay nauna nang nagpunta doon si Berniece Lee, kapatid ng negosyateng si Lee, at dalawang lalaki.

Kita sa footage na umalis si Berniece ng condo, ngunit hindi na niya kasama ang dalawang lalaki.

Sa testimonya ni Navarro, pagpasok niya sa kuwarto ni Cornejo ay dalawang lalaki ang bumulaga sa kanya.

Nahaharap ang grupo nina Lee at Cornejo sa sabit-sabit na kasong kriminal dahil sa pambubugbog at umano'y tangkang pangingikil kay Navarro.

Nagsampa naman ng kasong rape si Cornejo laban kay Navarro.

Show comments