Van bumaligtad: 1 patay, 16 sugatan

MANILA, Philippines - Isang hindi pa kilalang lalaki ang nasawi habang  labing anim na katao ang sugatan matapos bumaligtad ang isang pick-up van sa southbound  lane ng CAVITEX na nasa hurisdiksiyon  ng Las Piñas City, kamakalawa ng gabi.
Inaalam pa ng Las Piñas City Traffic Bureau ang pagkakakilanlan ng nasawing biktima, na tinatayang nasa 50 hanggang 60-anyos ang edad.

Nabali naman ang kaliwang braso ni  Engineer Francisco Jiorgio Jr., may sapat na gulang, kawani ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at driver ng pick-up na may plakang SFY-198. Samantalang ang iba pang sugatan ay isinugod sa magkahiwalay na pagamutan.

Lumalabas sa report ng Las Piñas City Traffic Bureau at pamunuan ng CAVITEX,  naganap ang insidente pasado alas-8:00 ng gabi sa south bound lane ng CAVITEX na nasasakupan pa ng lungsod ng Las Piñas.

Ayon kay Jiorgio, papauwi na siya  kasama si Reyes mula sa kanilang opisina  ng bigla silang salubungin ng mga pasahero ng isang bus na nasangkot sa isang aksidente sa naturang lugar.
Nabatid  pa kay Jiorgio,  na  wala sana siyang  intensyon na pasakayin ang nasa 20 katao na nagmula sa bus na nakasalubong,  ngunit nagpumilit ang mga itong sumakay sa likuran ng  kanyang sasakyan.

Dahil sa pag-angkas ng nagpupumilit na mga pasahero, bumaligtad ang pick-up na minamaneho at pag-aari ni Jiorgio.
 Patuloy ang imbestigasyon sa insidente upang malaman  kung may pananagutan ang dalawang empleyado ng DPWH.

Show comments