Brgy. tanod utas sa bagitong parak

MANILA, Philippines - Utas ang isang barangay tanod habang sugatan ang dalagita nitong anak nang  pagbabarilin ng isang bagitong pulis matapos ru­misponde lamang sa kaguluhan ang biktima kamakalawa sa Para­ñaque City.

Dead on arrival sa Parañaque Doctors Hospital ang bik­timang si Joseph Arquillo, 38, naninirahan sa  Block 3 Cherry East Compound, Brgy. Sun Valley ng naturang lungsod sanhi ng mga tinamong mga tama ng bala sa katawan habang nahagip din ng bala sa kaliwang paa ang kanyang anak na si Carliza, 17, na ginagamot ngayon sa naturang ospital.

Tinutugis naman ng kanyang mga kabaro ang suspek na si PO1 Gerald Garcia, nakatalaga sa Regional Public Safety Batallion-National Capital Region Police Office (RPSB-NCRPO).

Lumabas sa imbes­tigasyon ng Parañaque City Police naganap ang insidente alas-9:45 ng gabi sa Block 5 Avenue, Cherry East Compound ng natu­rang siyudad.

Nabatid na tinawag ng kanyang mga kapitbahay ang biktima upang respondehan ang nagaganap na ka­guluhan sa pagitan ng dalawang nagra-riot na grupo sa nabanggit na lugar.

Nagresponde rin sa kaguluhan ang pulis na si Garcia na umano’y nasa impluwensiya ng alak at tumulong sa pag-awat sa kaguluhan.

Ayon naman sa tanod na si Willy Abrematia, naayos na sana ang gulo nang biglang magreklamo ang uma­no’y isang kaanak ng pulis na nasugatan sa kaguluhan.

Nagalit umano ang pulis at sa hindi malamang dahilan, ang biktima ang pinagbuntunan at pinagbabaril sa harap ng dalagitang anak.

Tinangka umanong umawat ni Carliza at niyakap ang kanyang ama kaya’t tinamaan din siya ng bala sa kaliwang paa.

Matapos ang insidente ay tumakas ang suspek at ang mga biktima naman ay dinala sa naturang ospital, su­balit hindi na umabot ng buhay si Arquillo.

 

Show comments