2 salvage victim natagpuan

MANILA, Philippines - Dalawang bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki na hinihinalang biktima ng summary execution ang natagpuan sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.

Ayon sa imbestigador na si PO2 George Caculba, isinalarawan ang isa sa mga bangkay na nasa edad na 35-40, may taas na 5’6, payat, nakasuot ng pula at puting T-shirt, maong na pantalon, tsinelas, at nakatali ng masking tape ang magkabilang kamay habang ang isang bangkay ay nasa pagitan ng edad na 25-30, may taas na 5’6, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng puti at brown na T-shirt, slacks na short na kulay beige, kulay asul na tsinelas, at nakagapos din ng masking tape ang magkabilang kamay.

Sabi ni Calcuba, nadiskubre ang mga bangkay sa kahabaan ng Fema Road, malapit sa panulukan ng Edsa, sa Bgy. Bahay Toro, ganap na ala-1:10 ng madaling araw.

Isang residente umano ang nakakita sa mga biktima habang nakasalampak sa may tabi ng malaking puno ng Balete dahilan para agad nitong ipagbigay alam sa Barangay.

Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) narekober sa lugar ang may 17 basyo ng bala; dalawang depormadong bala at isang tingga ng bala ng kalibre 45. Ang bangkay ng dalawang biktima ay nagtamo ng mga tama ng bala sa kanilang mga katawan.

Patuloy ang imbestigasyon ng otoridad sa nasabing insidente upang mabatid ang pagkakakilanlan ng mga ito.

 

Show comments