Bahay pinasok ng magnanakaw Ret. Teacher ginilitan, pamangkin sugatan

MANILA, Philippines - Isang retired teacher ang namatay matapos na pagsasaksakin ng hinihinalang magnanakaw habang sugatan naman ang pamangkin nito sa kanyang bahay sa  Valenzuela City kahapon ng  umaga.

Dead on the spot sanhi ng laslas sa leeg ang biktimang si Virginia Francisco, 68, ng Rincon St., Francisco Compound, Bgy. Malinta ng natu­rang lungsod habang ginamot naman sa Valenzuela General Hospital sanhi ng mga sugat  sa braso at dibdib ang pamangkin nito na si Virgilio Francisco, ng nabanggit na lugar.

Nagsasagawa pa ng follow-up ang pulisya hinggil sa insidente at inaalam na rin ang pagkakakilanlan ng suspek.

Sa ulat ng Valenzuela City Police, alas-9:30 ng umaga nang nakita ni Virgilio na bukas ang gate at pinto ng bahay ng kanyang tiyahin habang pagala-gala kasama sa labas ang alagang aso.

Nang pasukin ng pamangkin at umakyat sa ikalawang pa­la­pag ay nakita ang tiyahin na duguang nakahandusay sa sahig.

Habang pinipilit na tulungan ang tiyahin ay biglang sumulpot ang suspek sabay sapak kay Virgilio at kahit hilo ay nagawang makalaban hanggang sa magsuntukan ang mga ito.

Naglabas ng patalim ang suspek at inundayan ng mga saksak si Virgilio na nagawang masalag at makapaghanap ng sandatang panlaban subalit mabilis na nakatakbo ang suspek na may kapayatan hanggang sa makatakas.

Dinala naman si Virgilio sa naturang ospital habang inaalam na ng mga pulis  kung may nakuha  sa biktima at kung sino ang suspek.

Show comments