MANILA, Philippines - Simula sa Lunes ay mahigpit nang ipatutupad ang truck ban sa lungsod ng Maynila matapos na pumasa sa konseho at pirmihan ni Manila Mayor Joseph Estrada kahapon.
Kasabay nito, inaasahan naman ang nakaambang gulo sa pagitan ng city officials at grupo ng mga truckers upang ipakita ang kanilang pagtutol sa ordinansa.
Nakahanda din si Estrada na magsuot muli ng fatigue uniform bilang pagpapakita ng kanyang kahandaan sa posibleng gulong mangyayari.
Sinabi ni Estrada na magsisimula ang truck ban mula alas-5:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng gabi, mula Lunes hanggang Biyernes, maliban na lamang kung Sabado at Linggo at mga holiday.
Layon aniya ng Ordinance 7570 (nag-aamyenda sa Traffic Management Code ng lungsod) na dahil dito matitiyak ang kaligtasan ng publiko parikular na ang mga estudyante at mga nag-oopisina sa lungsod.
Ayon naman kay Vice Mayor Isko Moreno nakikipagsabayan ang mga truck sa mga pampublikong sasakyan sa kalsada kung kaya’t nangyayari ay nahuhuli sa pagpasok ang mga estudyante at mga empleyado bukod pa sa aksidenteng posibleng mangyari , bukod pa sa nagpapasikip ang mga malalaking truck sa daloy ng mga sasakyan sa lansangan.
Nakasaad sa ordinansa, na mahigpit na ipinagbabawal ang pagbiyahe ng cargo truck, gravel and sand truck, cement mixers at iba pang heavy cargo truck na may walong gulong na tumitimbang o gross weight na 4,500 kilograms, kasama rin ang mga tractor trailer o containerized haulers. Ang lalabag sa ordiÂnansa ay magmumulta nang P5,000.
Hindi naman kasama dito ang mga truck ng mga perishable good at mga truck ng government project.
Nagbabala si Estrada na sakaling magsagawa ng strike o bumalagbag sa mga lanÂsangan ng Maynila ang mga trucks ay hindi siya mag-aatubling manghuli.
Samantala, ang nasabing ordinansa at itinuturing ng mga truck owner and operator na political suicide kung tuluyang ipatutupad.
Sinabi ni Ms. Mary Zapata, pangulo ng Aduana Business Club, malaking kahihiyan sa international shipping industry ang pinalawig na truck ban dahil lalo lamang babagal ang panahon ng pagbibiyahe ng mga mahahalagang kargamento na kailangan ng iba’t ibang industriya.
Nanawagan si Zapata sa mga ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Trade and Industry, Department of Transportation and Communication na kumilos laban sa truck ban dahil tiyak na malaking pagkabawas sa ekonomiya ng bansa ang idudulot ng naÂsabing ordinansa.
Sa sandali aniyang matengga sa pier ang mga truck at kargamento, tiyak na sisikip at babagal ang daloy ng trapiko sa mga daraanan ng mga truck dahil sa bulto o volume ng truck na magmamadali upang habulin ang oras ng biyahe.