Bus nagliyab sa ilalim ng Skyway

 Pinagtulung-tulungang apulain ng mga bumbero ang nagliliyab na bus sa ilalim ng Skyway  kahapon ng umaga kung saan nasugatan ang driver nito. (Kuha ni Geremy Pintolo)

MANILA, Philippines - Sugatan ang isang bus driver matapos magliyab ang minamaneho nitong sa­sakyan sa south-bound ng Skyway, South Luzon Express­way (SLEX), Muntinlupa City kahapon ng umaga.

Nilalapatan ng lunas sa Ospital ng Muntinlupa ang biktimang si Randy Alle­ne­gue, at driver ng  Alps Bus na may plakang DXB-157. Suwerte namang walang na­disgrasya sa mga pasahero nito.

Ayon kay Virgilo Dupaya, traffic enforcer ng Skyway Management, naganap ang insidente alas-6:00 ng umaga sa south-bound, ilalim ng Sky­­way malapit sa Alabang, Muntinlupa City habang mina­maneho ni Allenegue ang naturang bus. Nabatid na ayaw umanong umikot ang  hulihang gulong ng bus sa bandang kanan kaya huminto ang driver.

Nang tingnan ito ni  Allene­gue, nag-aapoy na ang gulong kaya dali-dali niya itong binuhusan ng tubig ngunit biglang sumabog at nagliyab ang bus.

Ligtas naman ang lahat ng pasahero ng bus na agad na bumaba. Alas-6:41 ng umaga na nang maapula ang apoy.

Sanhi ng  insidente, halos nagmistulang parking area ang naturang lane dahil sa  matinding trapik  na umaabot na sa bahagi ng Bicutan, Taguig City.

Show comments