MANILA, Philippines - Ikinanta ng isang testigo sa ‘gift bomb’ ang umano’y pagpaplano ng kanyang matalik na kaibigan upang likidahin umano ang sariling kapatid dahil sa away sa pera na nangyari noong Disyembre 28, 2011 sa Taguig City.
Batay sa affidavit ni Edzel Jason Alfafara, na sinumpaan kay Quezon City Assistant City Prosecutor Meynardo Bautista, naging magbestfriend umano sila ng suspect na si Arnold Padilla noong 2004 dahil sa parehong hilig. Nakilala din ni Padilla ang kanyang kaibigang si Rex La Paz na naging bodyguard nito.
Taong 2006, nang alukin siya ni Padilla na magresign sa trabaho at tulungan na lamang siya sa koleksiyon ng kanilang paupahang gusali sa Binondo, Dasmariñas, Forbes Park at Magallanes Village.
Dahil sa matalik na magkaibigan, madalas umanong naikukunwento ni Padilla ang pagtrato sa kanya ng kanyang inang si Arlene Padilla na suspect din at kapatid na biktima na si Yvonne Padilla-Chua. Inilalabas ni Padilla ang kanyang galit sa pagmamaneho.
Subalit dumating ang panahon na hindi na ito umano ang ‘theraphy’ ni Padilla at sa halip ay nag-iisip na ito kung paano mawawala ang kanyang pamilya.
Ibinuyag umano sa kanya ni Padilla ang kanyang problema upang makuha ang kanyang mana ng namatay na ama. Ayon umano kay Padilla, ang ina nitong si Arlene ang kumukuha ng lahat ng paupa na nauuwi sa away nilang mag-ina.
Dahil sa awa pinakinggan niya ang plano ni Padilla kung saan sinabi ng huli kung paano papatayin si Yvonne kabilang na dito ang pagsaboy ng asido at cyanide. Subalit tumanggi siyang gawin ito.
Kumuha ng hitmen mula sa Nueva Ecija na lilikida kay Chua na nagmamaneho ng Jaguar. Bumili pa ng Jaguar door si Padilla upang pagpraktisan upang malaman kung anong bala ang tatagos sa nasabing sasakyan.
Dahil sa desidido umano si Padilla na patayin si Chua na sariling kapatid, minabuti ni Alfafara na humiwalay kay Padilla hanggang sa mabalitaan niyang namatay si Chua sa pagsabog ng umano’y regalong Louis Vitton bag na may bomba ng kanyang inang si Arlene.
Kasama ding iprinisinta ni Alfafara ang kanilang mga larawan ni Padilla na nagpapatunay ng kanilang pagkakaibigan.
Samantala sa pagpapatuloy ng preliminary hearing sa DOJ, sinabi ni Atty. Joel Estrada, legal counsel ng negosyanteng si Manny Padilla at tumatayong complainant sa ‘gift bomb’, hihintayin nila ang desisyon ng DOJ kung tatanggapin nito ang hiling ng kampo ni Padilla o magbaba ng desisyon upang iakyat sa korte.