MANILA, Philippines – Pinangunahan ni Pangulong Benigno Aquino III ang paglulunsad ng Metro Manila Skyway Stage 3 (MMS3) na naglalayon pagkonektahin ang South Luzon Expressway (SLEX) at North Luzon Expressway (NLEX).
Sisimulan ng Citra Central Expressway Corporation ang 14.8 kilometrong elevated expressway ngayong Abril at inaasahang matatapos sa 2017.
Idudugtong ang dulo ng Skyway Stage 1 sa Buendia Avenue hanggang sa Balintawak sa Quezon City papasok ng NLEx.
Mula sa Buendia Avenue sa South Super Highway ay didiretso ito sa Osmeña Highway, kakanan sa Quirino Avenue, at dadaanan din ang Paco, Sta. Mesa sa may Nagtahan Flyover.
Ididiretso pa ito sa Aurora Blvd at Araneta Ave hanggang sa Sgt Rivera Road at A Bonifacio Ave bago tumbukin ang Balintawak.
Sinabi ni Aquino na ang dalawa o higit pang oras na biyahe ay makukuha na lamang ng 15-20 minuto.
"Tinatayang 55,000 sasakyan araw-araw ang ikaluluwag ng mga kalsadang ito. Siguro rin po, karamihan sa atin, dumaan na sa matinding kalbaryo ng pagbiyahe mula Buendia hanggang Balintawak," banggit ni Aquino.
"'Di po ba, halos dalawang oras, ‘pag minalas, ang inaabot nito dahil sa siksikan sa mga kalsada? Kapag nabuksan na po itong MMS 3, papatak na lang sa 15 hanggang 20 minuto ang biyaheng iyan," dagdagg niya.
Magbubukas pa ang naturang proyekto ng 6,000 na direktang trabaho at karagdagang 10 hanggang 12 libong indirect jobs, ayon pa kay Aquino.
"Makakapaghatid ang proyektong ito ng halos 6,000 na direktang trabaho, at karagdagang 10 hanggang 12 libong indirect jobs sa panahon ng kostruksyon."