Plaka sa vest, igigiit ng QC police

MANILA, Philippines - Dahil sa sunud-sunod na krimeng kinasasangkutan ng tinaguriang riding in tandem, hihilingin ng Quezon City Po­­lice District (QCPD) sa konseho sa lungsod ang ordinansang magpapatupad sa pagsusuot­ ng vest” ng mga motorcycle­ ri­ders na may plaka ng ka­nilang motorsiklo na dadaan dito.

Ayon kay QCPD director Chief Supt. Richard Albano, dahil sa patuloy na tumaaas ang bilang ng mga krimeng kinasasangkutan ng riding­ in tandem, nararapat na uma­nong magkaroon ng ordinansa ang lungsod upang mapuwersa ang bawat riders na magsuot ng vest na may plaka na maaring maka­ba­was sa krimen na kinasasangkutan ng mga naka-mo­torsiklo.

Sabi ni Albano, sa kasalukuyan, wala pa umanong batas para ipatupad ang nasabing programa, kung kaya mahirap silang manghuli at matukoy kung sino ang sinasabing kriminal.

Nauna nang inilunsad ng QCPD ang anti-motorcycle riding criminals sa lungsod kung saan suportado ito ng 2,000 volunteer riders at mga pulis para makatulong sa pagsugpo sa kriminalidad na sangkot ang mga naka-motorsiklo.

“Kung may ordinansa na tungkol sa mga hindi naka-suot ng vest, maaari nating sitahin o hulihin kahit hindi pa sila gumagawa ng krimen, mas mapapadali ang pagsugpo laban sa kanila,” giit ni Albano.

Nilinaw ng heneral na sa vest ay madaling matutukoy ang numero ng motorsiklo ng mga suspek kapag gumawa ng krimen, lalo na kapag nakunan ng CCTV.

Giit pa ni Albano, ang ganitong programa umano ay naging epektibo at ginamit na sa iba’t-ibang bansa tulad ng France at Panama. 

Bukod pa dito, suportado naman umano ng city hall ang kanilang programa at nakatakda nilang pag-usapan sa darating na mga araw.

 

Show comments