MANILA, Philippines - Umaabot sa mahigit 500 pamilya ang inaasahang mabibiyayaan ng lupa sa lungsod ng Maynila matapos na ipasa ng konseho sa ikatlong pagdinig ang ordinansang inihain ni Majority Floor Leader at Manila 2nd District Councilor Marlon Lacson.
Layon ng ordinance no. 8073 na bigyan ng kapangyarihan si Manila Mayor Joseph Estrada na bilhin ang lupa para sa mga residente sa Bgy. 158 Zone 14 ng lungsod na matagal ng naninirahan sa isang pribadong lupain.
Ayon kay Lacson ang ordinansa ay tinawag na ‘ An Ordinance Authorizing the City Mayor to Acquire Either by Purchase, Negotiation or Expopriation A Parcel of Land With an Area of 6,619.4 sq.meter’ na pagmamay-ari ni YK Development Corporation.
Ang nasabing hakbangin ayon kay Lacson ay sa ilalim ng Land-for the Landless Program ng city government.
Bagama’t umaasa ang konsehal na mai-aaward na sa lalong madaling panahon ang lupa sa mga bonafide tenants ipinaliwanag nito na ang korte pa rin ang siyang magdedesisyon ng halaga ng lupa na bibilhin ng lungsod ng Maynila.
Aniya, kailangan na maÂging patas ang halaga ng lupa sa magkabilang panig.
Binigyan diin pa ni Lacson na nangako si Manila Vice Mayor Isko Moreno na magbibigay ng P1 milyon upang makatulong na mabili sa lalong madaling panahon ang lupa.
Kasamang naghain ng ordinansa sina Councilors Ruben Buenaventura, Rod Lacsamana, Numero Lim, Ramon Robles at Rolando Valeriano.