‘Dean Martin’ utas sa tandem

MANILA, Philippines - Patay ang isang negosyanteng kapangalan ng American singer na si Dean Martin matapos pagbabarilin ng isa sa dalawang hindi pa kilalang mga suspek habang ang una ay abala sa kanyang pag-aaring junkshop sa Malabon City kahapon.

Dead on arrival sa Pagamutan Lungsod ng Malabon sanhi ng dalawang tama ng bala sa katawan si Dean Martin, 50,  ng Sitio 6, Barangay Catmon ng naturang  lungsod.

Sa pagsisiyasat ng Malabon City Police, naganap ang insidente  alas-11:30 ng umaga, habang abala ang biktima sa loob ng kanyang junkshop sa M.H. Del Pilar St., ng naturang barangay.

Biglang dumating ang mga suspek sakay ng motorsiklong walang plaka at isa dito ang nagbunot ng baril at ilang ulit pinaputukan ang biktima.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspek at ang biktima naman ay dinala sa naturang ospital ng kanyang mga kaanak, subalit hindi na ito umabot ng buhay.

Nagsasagawa pa ng malalimang imbestigasyon ang mga pulis hinggil sa insidente.

 

Show comments