Mister itinumba sa harap ng misis

MANILA, Philippines - Pinutol ng  mga putok ng baril ang pag-uusap ng mag-asawa nang bumulagta ang 45-anyos na mister sa harap ng kanyang misis sa Tondo, Maynila, kamaka­lawa ng gabi.

Idineklarang dead on arrival sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Cen­ter ang biktimang si Armando Magpayo, residente ng Int. 15 Cirilo market, Tondo,  Maynila na nagtamo ng apat na tama ng bala sa katawan.

Tinutukoy pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng dalawang suspect na armado ng baril.

Sa ulat ni SPO2 Richard Escarlan ng MPD-Homicide Section, dakong alas- 9:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa tapat ng bahay ng biktima habang kausap nito ang kanyang misis na si Josephine nang biglang lumutang ang mga suspect at sunud-sunod na putok ang ibinigay sa biktima.

Bumulagta ang biktima na agad namang iniwan ng dalawang suspect.

Patuloy pang iniimbestigahan ang insidente.

Show comments