MANILA, Philippines - Kulungan ang bagsak ng isang lalaking nagpanggap na pulis matapos na ipaaresto sa pulisya ng isang vendor nang pangongotong sa lungsod Quezon, ayon sa ulat kahapon.
Si Mark Anthony Verbo ay nakasuot pa ng t-shirt ng may tatak na “pulis†nang arestuhin ng mga tropa ng Quezon City Police Station 6 sa isinagawang entrapment operation.
Ayon kay Supt. Eleazar Matta, hepe ng PS6, ang pagdakip sa suspek ay bunsod ng reklamo ng isa sa mga biktima na si Gabriel Zalun, tindero ng segundamanong cell phone sa may bangketa sa lungsod.
Sabi ni Matta, nangyari ang pag-aresto, ganap na ala-1 ng madaling araw sa may overpass ng Batasan Flyover, sa may BF Road, Brgy. Holy Spirit.
Ayon sa biktima, Nobyembre pa ng nakalipas na taon nang lapitan siya ng suspek sa kanyang puwesto at nagpakilalang pulis na si SPO3 Pascual.
Upang hindi umano magulo ang kanyang pagtitinda, sinabi ng suspek na kailangang magbigay siya ng cellphone para proteksyunan siya nito sa mga huli.
Dahil iligal ang pagtitinda, pumayag si Zalun sa pangambang maaaring maperwisyo ang kanyang paghahanapbuhay.
Subalit, nagtaka umano si Zalun nang sa halip na isang beses sa isang buwan ay linggo-linggo na umanong dinadalaw siya ng suspek at hinihingan ng cellphone at kung walang makursunadahan ay pera ang hiniÂhingi nito.
Ang ganitong kalakaran ay dalawang buwang tiniis ni Zalun, hanggang sa magpasya ang biktima na beripikahin ito sa himpilan ng PS6 kung totoo itong parak. At nang malamang peke ang suspek ay agad na nagtungo sa PS6 ang biktima at humingi ng tulong.
Agad namang pinlano ng awtoridad ang entrapment operation kung saan nang muling bumalik ang suspek sa lugar at inabot ng biktima ang kelangan nitong cell phone ay saka siya inaresto.
Narekober pa sa suspek ang isang kalibre .45 baril at isang magazine na puno ng bala, dalawang pekeng identification card ng PNP. Wala namang maipakitang permit to carry para sa kanyang baril ang suspek, bagama’t may lisensiya ito.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong illegal possesion of Firearms, robbery extortion, falsification of public document at usurpation of authority.