Dalaga pumagitna sa rambol, sapol ng ligaw na bala

MANILA, Philippines - Isang dalaga ang sugatan nang tamaan ito ng ligaw na bala mula sa dalawang grupo ng mga kabataang lalaki  na nagrarambulan kamakalawa ng gabi sa Malabon City.

Nilalapatan ng lunas sa Pagamutang Lungsod ng Ma­labon (PLM) ang biktimang  si Marjorie Jane Silva, 27, restaurant cashier at residente ng Brgy. Longos ng nasabing lungsod.

Patuloy namang nagsasagawa ng manhunt operation ang mga awtoridad laban sa mga suspek na sina Arvie Acosta;  Ricky Acosta at tatlo pang kabataang lalaki na ka-grupo ng mga ito.

Lumalabas sa isinagawang imbestigasyon si SPO1 Edsel dela Paz, ng Station Investigation Division (SID), Malabon City Police, naganap ang insidente  alas-10:07 ng gabi sa kahabaan ng Pampano St., Brgy. Longos ng naturang lungsod.

Kasalukuyang naglalakad ang biktima pauwi ng kanilang bahay, nang makita nito ang kanyang dalawang kapatid at mga pinsan na nakikipag­rambulan sa grupo ng mga suspek.

Dahil sa labis na pag-aalala sa kanyang mga kaanak ay hindi inalintana ng biktima na tumakbo papalapit sa pinangyayarihan ng gulo kahit na may lumilipad na malalaking bato.

Isa sa mga suspek ang nag­labas  ng baril at pinagbabaril ang grupo ng mga kaanak ng biktima hanggang sa ang tamaan ay si Silva na isinugod sa nabanggit na pagamutan.

Show comments