MANILA, Philippines - Pansamantalang isasara ang ilang kalsada sa lungsod ng Maynila ngayong araw para sa gagawing aktibidad sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ang aktibidad ay tinawag na ‘Salubong 2014, Countdown ng Masa’ na isasagawa sa Divisoria.
Sa Traffic Plan na ipinalabas ng pamahalaang lungsod ng Maynila, kabilang sa mga isasarang kalsada umpisa alas-2:00 ng hapon ngayong araw (Disyembre 31, 2013) hanggang 1:00 ng madaling-araw ng Enero 1, 2014 ay ang mga sumusunod:
- Panulukan ng C.M. Recto at Jose Abad Santos;
- Panulukan ng Soler at Reina Regente
- at Panulukan C.M Recto at Ylaya
Kaugnay nito, pinapayuhan naman ng mga awtoridad ang mga maapektuhang motorista na gumamit ng mga alternaÂtibong ruta.
Bahagi ng inilatag na re-routing ang mga sumusunod:
Ang mga sasakyan na dumadaan sa CM Recto patungo ng Divisoria o Tutuban ay maaring kumanan sa J.A Santos patungo sa destinasyon.
Lahat ng mga sasakyan na dadaan naman ng J.A Santos patungo ng Divisoria o Tutuban area ay maaaring dumiretso sa Reina Regente patungo sa kanilang destinasyon;
At ang mga sasakyan na manggagaling ng Juan Luna at patungo ng Divisoria o Tutuban area ay maaring kumanan sa Sta. Elena patungo sa kanilang destinasyon.