MANILA, Philippines - Biruan at kantiyawan lamang na nauwi sa kamatayan ng 29-anyos na mister matapos itong barilin ng kanyang kapitbahay sa Sta. Ana, Maynila, kamakalawa ng gabi. Idineklarang patay sa Sta. Ana Hospital ang biktimang si Mario Cruz ng Pasig Line St. dahil sa bala na tinamo sa dibdib. Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspect na si Mario Calub, 32, miyembro ng Bahala-na-Gang. Sa ulat ni SPO2 Milbert Balinggan ng Manila Police District-Homicide Section, sinasabing sunud-sunod ang asaran at kantiyawan ng dalawa hanggang sa mapikon ang suspect at naasar-talo hanggang sa umalis subalit nagbanta na babalikan ang biktima. Ilang minuto ang lumipas at bumalik ang suspect at isinagawa ang krimen. Isang kaibigan ang nakakita kaya inagaw ang baril na hawak ng suspect upang huwag iputok subalit nakalabit ang baril at tumama sa biktima.