MANILA, Philippines - Naghigpit na ng seguridad sa mga shopping malls sa Metro Manila ang National Capital Region Police Office (NCRPO) kasunod ng nangyaring pag-atake ng notoryus na Martilyo Gang na tumaÂngay ng P5 milyong halaga ng mga alahas sa isang jewelry shop sa SM City North Edsa kamakalawa ng gabi.
Ayon kay P/Senior Supt. Reuben Theodore Sindac, chief ng PNP Public Information Office, agad na pinulong ni PNP Chief Director Alan Purisima at ng iba pang mga opisyal ng PNP ang mga may-ari ng malls upang talakayin ang mas maigting na seguridad upang maiwasang maulit pa ang insidente.
Binigyan din ng direktiba ni Purisima ang bagong talagang si NCRPO Director P/Chief Supt. Carmelo Valmoria na tiyakin ang seguridad ng mga shopper na dadagsa ngayong holiday season.
Kasabay nito, lima hanggang pitong suspek ang naÂtukoy sa pagnanakaw dakong alas-7 ng gabi sa jewelry store sa pamamagitan ng pag-aanalisa sa CCTV footage ng mall.
Ang mga suspek ay gumamit ng bareta at martilyo na binili ng mga ito sa hardware store sa loob ng mall nang bigla na lamang pinasok at winasak ang salaming eskaparate na pinaglalagyan ng mga mamahaling alahas.
Iginiit naman ni Valmoria na hindi nagpaputok ng baril ang nasabing grupo ngunit tila labis na nag-ingat ang mga security guard sa posibilidad na maputukan sila ng mga holdaper.
Kasalukuyang isinasailalim sa forensic examination ang mga bareta at martilyo na iniwan ng mga holdaper.
Matatandaan na sinalakay rin ng Martilyo Gang ang jeÂwelry store ng SM Megamall sa Mandaluyong City noong Enero 26, 2013 ng gabi sanhi upang ipag-utos noon ni dating NCRPO chief Director LeoÂnardo Espina ang pagsaÂsailalim sa training ng mga mall security guard.