2 totoy nalunod sa septic tank

MANILA, Philippines - Hindi na nagawa pang mailigtas sa pagkalunod ng isang 13-anyos na totoy ang dalawa niyang kasamang batang lalaki na kapwa nalunod nang maligo sa isang septic tank, kamakalawa ng hapon sa Pasay City.

Kapwa wala nang buhay nang maisugod sa Home Care Clinic sa Merville, Parañaque City ang mga biktimang sina Jerome Berja­, 12-at si Ricky Laurente, 9, kapwa naninirahan sa Brgy. Pag-asa 2, Pasay.

Sa ulat ng pulisya, ipinagtapat ng 13-anyos na si Ryan Mahusay na nagkayayaan umano sila ng mga kaibigang sina Jerome at Ricky na maligo sa septic tank na puno ng tubig sa bakanteng lote na pag-aari ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa may Merville Road, ng naturang lungsod.

Dakong alas-5 ng hapon nang paahon na sila, napansin niya na kapwa nag­kakawag na ang mga kalaro at unti-unting lumulubog.  Tinangka umano niyang sagipin ang mga ito ngunit hindi niya nakayanan ang bigat ng dalawang kaibigan.

Agad na nagtatakbo si Mahusay at humingi ng saklolo sa mga kapitbahay na agad na nagtungo sa lugar at naiahon ang mga bata.  Hindi na rin naisalba ang buhay ng mga ito nang isugod sa pinakamalapit na klinika.

Katwiran naman ng mga security guard ng bakanteng lote, hindi nila napansin ang palihim na pagpasok ng mga bata.

Show comments