Dahil sa P5, mister tinarakan ng kapitbahay

MANILA, Philippines - Dahil sa pagtangging  mag­bigay ng limang piso, isang mister ang sinaksak ng kanyang kalugar sa Navotas City kahapon ng madaling- araw.

Nasa kritikal na kondis­yon at ginagamot sa Tondo Medical Center (TMC) sanhi ng tinamong dalawang saksak sa kaliwang kili-kili ang biktimang si Alexander Jose, 32,  ng Miguel St., Brgy. North Bay Blvd. North (NBBN) ng nasabing lungsod.

Nakakulong ngayon sa detention cell ng Navotas City Police ang suspek na si Egay dela Cruz.

Base sa imbestigasyon nina SPO1 Noli Dait at PO2 Philip Edgar Valera, ng Navotas City Police, naganap ang insidente alas-12:00 ng madaling-araw habang nag­lalakad ang biktima, malapit sa kanyang tinitirhan nang lapitan ito ng suspek.

Dito humingi umano ng limang piso ang suspek ngunit  tinanggihan namang big­yan ng biktima dahilan upang magalit ang una bago umalis. Makalipas ang ilang sandali ay muli itong bumalik  at nang makita si Jose ay agad na itong inundayan ng saksak.

Dinala naman ang biktima ng kanyang mga kaanak sa naturang ospital at ang suspek naman ay nadakip ng mga pulis sa isang follow-up ope­ration.

 

Show comments