3 katao sinalvage sa Taguig
MANILA, Philippines - Tatlong kalalakihan na pinaniniwalaang mga biktima ng summary execution ang natagpuang may tama ng baril, tadtad ng saksak at tinali ang mga kamay at mga paa sa nakaparadang 10- wheeler truck sa Taguig City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga biktimang sina Reynaldo Cabalan, 29, driver, residente ng #225 NHA Building Delpan St., Tondo, Manila; Rogin Mesias, may sapat na gulang, taga-Bustos, Bulacan at isang alyas “Jaysonâ€, nasa hustong gulang, kapwa helper at kawani ng MMC Trading Company.
Samantala, blanko pa ang pulisya kung sino ang mga taong responsable sa brutal na pagpatay sa tatlong biktima.
Lumabas sa inisyal na report na natanggap ni Police Supt. Annie Bodanio, hepe ng Taguig City Police, habang nagro-roving ang dispatcher na si Christopher Navarro, 32, sa panulukan ng Santa Maria Drive at 1st Avenue, TBICAL, Brgy. Bagong Bayan ng naturang siyudad ay tumambad sa kanya ang tatlong bangkay ng biktima na nasa loob ng isang nakaparadang Isuzu ten-wheeler truck na may plakang XCP-760 at may body number WG & Super Ferry.
Nakatali ang mga kamay at paa ng mga biktima ng alambre, may mga tama ng bala ng baril at tadtad ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa teorya ng pulisya, posibleng pinahirapan muna ang tatlong biktima bago pinatay.
Habang sinusulat ang balitang ito ay nagsasagawa pa ng malalimang imbestigasyon ang mga pulis hinggil sa insidente.
- Latest