MANILA, Philippines - Isang binata ang patay habang isa pa ang malubhang nasugatan makaraan ang walang habas na pagpapaputok ng baril ng isang lalaki na kabilang sa grupo ng mga kabataang nagrarambulan sa Brgy. Tatalon, lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.
Ayon kay PO3 Jaime de Jesus, nasawi si Christian Irag, 20, habang sugatan naman si Domingo Fernandez Jr., 21; kapwa residente sa naturang barangay.
Natukoy naman ang mga suspect sa mga pangalang Arjay Martinez, Cristobal Martinez at Angelica Marquez, na pawang mga residente sa Elga St., ng nasabi ring barangay.
Sinasabing si Arjay ang siyang may dala ng baril at nagpaputok sa nasabing kaÂguluhan sanhi para tamaan ng bala ang mga biktima.
Nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Agno Ext., ng nasabing barangay ganap na alas-11 ng gabi.
Sabi ng testigong SI Manuel Ledesma, bibili sana siya ng pagkain sa naturang lugar nang makita niya ang isang grupo, kabilang ang mga suspect at iba pang lalaki na nagkakagulo sa lugar.
Mula rito ay nakita umano ni Ledesma si Arjay na biglang nagbunot ng baril saka nagpaputok dahilan para tamaan ang mga biktima.
Sina Irag at Fernandez ay isinugod ng ilang kapitbahay sa Delos Santos Hospital, subalit binawian din ng buhay si Irag na nagtamo ng tama ng bala sa sikmura, ganap na ala-1:45 ng madaling-araw.
Si Fernandez naman ay inilipat sa East Avenue Medical Center matapos mabigyan ng paunang lunas sa tinamo nitong tama ng bala sa noo.
Nagsasagawa na ng follow-up operation ang awtoridad laban sa mga naturang suspect.