Gapos gang, muling sumakalay

MANILA, Philippines - Kapwa iginapos at binusalan ang mga bibig ng dalawang helper ng isang grupo ng mga kawatan na nanloob sa  pinagta­trabahuan nilang grocery sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.

Sa pahayag sa Caloocan City Police ng mga biktimang sina Rovin John Ofiate at Jayson Esquivel, naganap ang insidente alas-2:00 ng madaling-araw sa pinagtratrabahuan nilang grocery sa may Bagong Barrio naturang lungsod. Bigla na lamang umanong nagising ang mga biktima nang tutukan sila ng sumpak ng tatlong hindi pa nakikilalang suspek.

Iginapos ang mga bik­tima at binusalan bago pinagkukuha ng mga suspect ang paninda na aabot sa halagang P150,000 at cash na 30,000 at bago magsi­takas ay kinuha ang hard disk ng computer kung saan nakakabit ang mga CCTV.

Kinabukasan dakong alas-5:00 ng umaga­  nang pumasok ang cashier na nakilalang  ni Amy dela Cruz at la­king gulat nang makitang nakagapos pa ang mga biktima,  na naging dahilan upang kalagan at magpunta ang mga ito sa presinto upang ipaalam ang insidente.

Nagsasagawa ng follow-up ang mga pulis hinggil sa insidente at inaalam na rin ang pagkakakilanlan ng mga suspek.

 

Show comments