2 mister nag-suicide

MANILA, Philippines - Dalawang mister ang iniulat na nagbigti sa magkahiwalay na lugar sa Quezon City at Maynila.

Sa Quezon City nagbigti sa loob ng kanilang bahay ang isang mister matapos na umano’y iwan ng kanyang asawa at anak , kahapon.

Kinilala ni PO2 Alvin Qui­sumbing ang nasawi na si Carlos Patayola, 24, vendor, ng Brgy. Payatas, ng nabanggit na lungsod . Natagpuan ito ganap na alas -10 ng umaga.

Ginamit umano ng biktima sa kanyang pagbibigti ang sintas ng sapatos.

Sabi ni Priscilla de Leon, 19, anak ng may-ari ng bahay, huli anya niyang nakitang buhay ang biktima alas 2 ng madaling-araw sa harap ng kanyang kuwarto.

Diumano, nadiskubre niya ang bangkay ng biktima nang tangkain niyang kausapin ito para pagsabihan na patayin ang ilaw sa kanyang tinutuluyan dahil laging nakasindi ito simula  pa noong Huwebes. Pero pagsilip umano ni Priscilla sa pintuan ay nagulat na lang siya nang makita ang biktima na nakabigti.

Nabatid na nitong nakaraang Miyerkules ay iniwan si Patayola ng kanyang asawa at dinala  nito ang kanilang anak.

Samantala,  problema dahil sa naubos ang perang pinagsanglaan ng bahay ang nagtulak naman sa isang 34-anyos na mister para wakasan ang kaniyang buhay sa Tondo, Maynila,  kamakalawa.

Desperado umano ang biktimang si Dennis Casila, ng Camia St.,sa Block 6 Roxas,  Tondo, sakop ng Brgy.106 Zone 8, batay sa naikuwento nito sa kaibigan na magpapakamatay na lamang dahil naubos na niya ang pera mula sa isinanglang bahay

Sa ulat ni SPO1  Crispino Ocampo ng Manila Police District-Homicide Section , dakong alas -3:00 ng hapon  nang madiskubre ng kaniyang live-in partner na si Marife, 29, na nakabitin na sa nylon cord ang biktima sa ika-2 palapag ng kanilang  bahay.

Tumanggi na ring magpa-imbestiga ang live-in ng biktima dahil alam naman niya na problema na ng biktima ang pagkaubos ng kanilang pera subalit bigo pa ring magawan ng paraan para masolusyunan ang mga suliranin ng pamilya.

Show comments