Rider salpok sa SUV, dedo

MANILA, Philippines - Patay ang isang rider ng motorsiklo makaraang madulas at tumbukin nito ang nakaparadang Ford Expedition habang matulin na tinatahak ang isang  kalye sa lungsod Quezon, kahapon ng madaling-araw.

Ayon sa ulat, nakilala ang nasawi na si Nathaniel delos Reyes, 22, binata ng  Jupiter St., Constellation homes, Brgy. 17, Caloocan City.

Nangyari ang insidente, sa may Cordillera St., malapit sa panulukan ng Kaliraya St., Brgy. Doña Josefa, ganap na ala-1:47 ng madaling-araw.

Diumano, sakay ng kanyang Kawasaki Rouser (4784-SG) ang biktima at tinatahak ang Cordillera St., galing sa direksyon ng E. Rodriguez Sr., Avenue nang biglang madulas ang sasakyan nito at sumalpok  sa bangketa. Dahil mabilis ang takbo, nagtuluy-tuloy na tumalsik mula sa kanyang motorsiklo ang biktima saka humampas ang ulo nito sa may bumper ng nakaparadang Ford Expedition sa lugar.

Matinding pinsala sa  ulo at katawan ang tinamo ng biktima na naging dahilan ng kanyang kamatayan.

 

Show comments