‘Dugo-dugo’ umatake, directress nadale ng P300K

MANILA, Philippines - Sa kabila ng paulit-ulit na balita sa grupong “dugo-dugo gang” ay marami pa rin sa mga kasambahay ang nabibiktima.

Sa Quezon City, isang directress ng montessory ang natangayan ng P302,000 cash at hindi pa mabatid na halaga ng mga alahas matapos na mabiktima ng nasabing grupo, kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ng Quezon City Police District Station 9, nakilala ang biktima na si Ma. Francisca Diaz, 35, may-asawa, directress ng Ideas Montessory, Capitol hills at residente sa Unit 10, Esteban Abada St., Varsity hills Subdivision, Brgy. Loyola Heights sa lungsod.

Sabi sa ulat, tulad ng modus ng grupo ay nagawang makuha sa biktima ang naturang mga items, bukod pa ang apat na pasaporte at dalawang baril, isang Signzuer 228 pistol 9mm, at isang shooter 45 na kalibre.

Naging daan ng mga suspek para matangay ang nasabing items ang kasambahay ng biktima na si Ma. Irish Berana na nakatanggap ng tawag sa telepono buhat sa isang suspek, ganap na alas-12 ng tanghali.

Ang nakagawiang dialogue ng caller, ang pagkukunwaring nasangkot sa vehicular accident ang amo ni Berana kung saan nabundol nito ang isang batang lalaki na nasa kritikal na kondisyon at nangangaila­ngan ito ng malaking halaga ng pera na pambayad sa ospital.

Mula dito ay inutusan ng caller si Berana na buksan ang safety vault at kunin ang laman nito na ginawa naman ng una sa tulong ng kanyang kapatid na si Maricar, dahil nakumbinsi na rin ng isang babaeng suspek na nagkunwari naman na complainant ng amo.

Dinala ni Berana ang vault sa lugar na sinabi ng mga suspek at inabot sa babaeng suspek, saka siya iniwan.

Pagbalik ni Berana sa bahay ng amo, alas 6:30 ng gabi, nagulat na lang siya nang makita ang amo at malamang hindi naman ito nasangkot sa anumang insidente.

Patuloy naman ang paalala ng QCPD sa mga residente lalo na sa mga may kasambahay na bigyan ang mga ito ng orientasyon ukol sa grupo upang hindi na sila mabiktima.

Show comments