Machine operator nilamon ng makina

MANILA, Philippines - Kalunus-lunos ang sinapit ng isang machine ope­rator makaraang madurog ang katawan nang maipit sa ino-operate na makina sa loob ng pinapasukang planta ng plastik sa Taguig City, kahapon ng madaling-araw.

Nakilala ang nasawi na si Tahir Kamsa, 22-anyos, ng Block 183 Lot 33 IRM Road, Maharlika Village, naturang lungsod.

Sa ulat, dakong alas-4 ng madaling-araw nang ipaalam ng mga tauhan ng Eastern International Plastic Packaging­ Corporation samay Brgy. Bagumbayan, Taguig, ang naganap na insidente.

Inabutan pa ng mga imbestigador na sina PO3 Ricky Ramos at PO2 Victor Amado ang wala nang buhay na katawan ni Kamsa na nakaipit pa sa malaking makina sa loob ng naturang planta.

Sa inisyal na pagsi­siyasat, walang makapagsabi sa tiyak na nangyari sa biktima.  Walang makalap na impormasyon kung may nanadya na itulak ang biktima sa na­turang makina o nagkaroon ng “human error” ang biktima at nahigop ng makina kaya ito naipit.

Patuloy naman ngayon ang imbestigasyon ng otoridad kasama ang pag-alam kung may pananagutan ang may-ari ng naturang planta sa nangyari sa kanilang trabahador.

Show comments