MANILA, Philippines - Timbog ang mag-asawang Chinese national makaraang maaresto sa isinagawang buy-bust operation ng Philippine Drug Emforcement Agency (PDEA) at makuhanan ng higit sa P40 milyong halaga ng iligal na droga sa lungsod Quezon, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Atty. Jacquelyn L. de Guzman, director ng PDEA Regional Office-National Capital Region (RO-NCR), ang mga suspect na sina Qiao Wen Jiang, 37 at Xiao Xia Chai.
Naaresto ang mag-asawa matapos ang halos tatlong buwang surveillance bunga ng impormasyong kabilang ang mga ito sa nagtutulak ng malaking bulto ng iligal na droga.
Nangyari ang pag-aresto sa mga suspect makaraang makipagtransaksyon sa kanila ang PDEA na bibili ng isang kilo ng shabu sa halagang P5 milyon.
Sabi ni De Guzman, nagkasundo ang kanilang tropa at ang mga suspect na magpalitan ng items sa may Timog Avenue, Brgy. South Triangle ganap na alas-12:30 ng madaling-araw.
Gamit ang isang PDEA poseur buyer ay nakipagkita ito sa mga suspect sa lugar, subalit bago pa man makarating ang mga huli sa lugar ay sinundan na sila iba pang PDEA agent, para masigurong hindi na sila makakalusot.
Mula Binondo, sakay ng isang Mitsubishi Montero (TOK-248) ang mga suspect ay nagtungo ang mga ito sa napagkasunduan lugar, kasunod ang nagmamanmang operatiba.
Pagsapit sa Timog AveÂnue, makaraan ang palitan ng items ay saka dinamba na ng mga naka-antabay na operatiba ang mag-asawa at nakumpiska ang P1 kilo ng shabu at marked money.
Nang siyasatin ng mga operatiba ang sasakyan ng mga suspect ay nadiskubre dito ang limang supot ng plastic na naglalaman ng shabu at apat na supot na hinihinalang ecstasy.
Sa kabuuan, ayon pa sa PDEA aabot sa halos 7 kilo ng shabu at 2,000 tableta ang nasamsam sa mga suspect na nagkakahalaga ng kaÂbuuang P40 milyong piso ang nasabing mga iligal na droga na nasamsam.