MANILA, Philippines - Isang Australian national ang sugatan matapos na barilin ng isa sa riding in tandem suspect nang tangkain ng una na manlaban sa panghoholdap ng mga huli sa lungsod Quezon kahapon.
Kinilala ang dayuhang biktima na si Peter William Mckay, 59, negosyante, at residente sa Room 11-A, Torre de Devenecia Tower, Scout Santiago, corner Timog Avenue sa lungsod.
Ayon sa ulat, si McKay ay nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang hita at ginagamot ngayon sa Delgado Medical Clinic.
Natangay sa kanya ang halagang P10,000 cash, 1 diamond wedding ring, isang wedding ring na may batong onix, at gold necklace. Ang mga alahas ay may kabuuang P500,000.
Nangyari ang panghoholdap sa biktima matapos na abangan ito ng mga suspect na sakay ng motorsiklo sa harap ng Jade Valley Restaurant na matatagpuan sa Scout Rallos, at Scout Torillo sa Brgy. Sacred Heart, ganap na alas-11 ng umaga.
Bago ito, galing umano ang dayuhan sa isang sangay ng Metrobank na malapit lamang sa lugar at nag-withdraw ng pera para magamit sa kanyang negosyong Coffee Burn na nasa Scout Limbaga. Habang naglalakad patungo sa kanyang shop, biglang hinarang ito ng mga suspect saka tinutukan ng baril at deklara ng holdap.
Pero sa halip na bumigay, tinangka umano ng biktima na manlaban, pero pinaputukan na siya sa hita ng isa sa mga suspect sabay kuha ng kanyang dalang mga gamit at tumakas sakay ng dala nilang motorsiklo.
Dagdag ni Sales, posibleng matagal nang tinitiktikan ng mga suspect ang biktima, dahil batid ng mga ito kung saan ito galing at ano ang dala nitong maari nilang tangayin.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pagsisiyasat ng awtoridad sa nasabing insidente.