2 dedo sa pamamaril

MANILA, Philippines - Dalawa katao ang i­niulat na nasawi sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa pagitan lamang ng 30 minuto sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.

Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, ang mga nasawi ay kinilalang sina Jeffrey Nepa, 22, ng Brgy. Bagbag  Novaliches; at Ro­berto Jorbina, 30, ng Block 5, Lot 35, Sampaguita St., Maligaya Park Subdivision, Brgy. Pasong Putik.

Unang nangyari ang pamamaril sa biktimang si Jorbina sa may kahabaan ng Maligaya Drive corner Quirino highway, Brgy. Pasong Putik, Novaliches, ganap na alas 9 ng gabi.

Ayon kay PO2 Roldan Cornejo, may-hawak ng kaso, dalawang suspect ang bumaril at naka­patay kay Jorbina, ilang sandali matapos ang kanilang hindi mabatid na pagtatalo.

Sinasabing sa gitna ng pagtatalo ni Jorbina at mga suspect ay biglang nagbunot ng baril ang mga huli at pinagbabaril ang una. Agad na tumakas ang mga suspect matapos ang insidente, habang isinugod pa si Jorbina ng kanyang kasamahan sa East Avenue Medical Center, pero idineklara din itong patay.

Alas 9:30 ng gabi nang mapaulat naman ang pamamaril sa biktimang si Nepa ng isang hindi nakikilalang salarin sa may kahabaan ng Kingspoint corner King Alexander St., Brgy. Bagbag, Novaliches, alas 9:30 ng gabi.

Ayon sa imbestigador sa kaso na si SPO1 Joe Gagaza, base sa paghayag ng saksing si Crisanto Rabino, nag­lalakad umano sila ng biktima sa lugar nang marinig na lang nila ang salitang “Maangas kayo, yari kayo sa amin,” mula sa suspect.

Kasunod nito, dalawang putok ng baril ang umalingawngaw hanggang sa makita na lang niyang tumumba ang biktima sa simento.

Agad namang itinakbo ng isang residenteng si Joseph Arsebal ang biktima sa Novaliches District Hospital pero idineklara din itong patay. 

Habang ang suspect ay agad namang naglaho sa nasabing lugar.

Show comments