MANILA, Philippines - Hindi na pinatawad ng mga gambling lord ang Manila North Cemetery sa Maynila, matapos na dalawang video karera ang nakumpiska ng mga opisyal nito at kapulisan kamakalawa.
Ayon kay MNC Administrator Raffy Mendez, nakuha ang dalawang VK sa Tagaytay apartment matapos na may concern citizen na nagtimbre sa kanila. Mabilis namang tumakas ang mga nanunuluyan dito.
Aniya, halos wala ng makain ang mga nakatira sa sementeryo subalit hinihikayat pa rin ng mga sindikato na malulong sa sugal ang mga naninirahan sa nasabing sementeryo.
Karamihan sa mga parokyano nito ay mga nagso-solvent, nagra-rugby at nagsa-shabu.
Bunsod nito, target din ni Mendez na linisin ang MNC mula sa mga solvent boys at drug addict.
Sinabi ni Mendez na tanging si Sr. Insp. Ronaldo Santiago, ang hepe ng Manila Police District-Blumentritt ang kanyang kasama nang salakayin nila ang lugar sa loob ng nabanggit na sementeryo.
Naniniwala si Mendez na marami pang VK ang nasa loob ng sementeryo subalit nabulabog lamang matapos na kumpiskahin ang dalawang VK. Wala namang lumutang para kunin ang mga nasabing VK.
Idinadaan umano ang VK sa pader sa gilid ng sementeryo .
Sa pahayag naman ng isang mapagkakatiwalaang source, ang nakuhang VK ay pagmamay-ari umano nina Romy Gutierrez at isang nagngangalang ‘Lotlot’.