27 ‘telemarketers’ nambibiktima ng mga retirado, pensioners, tiklo

MANILA, Philippines - Arestado ang 27 kawani na pawang mga telemar­keters na pinaniniwalaang miyembro ng isang sindikato na nambibiktima ng mga retirado, pensiyonado, lottery­ winners at mga nag-aabroad sa pamamagitan ng internet sa Makati City kamakalawa.

Ayon  kay Police Sr. Supt. Gilbert Sosa, ng  Philip­pine National Police (PNP), Anti-Cybercrime Group (ACG) alas-2:00 ng hapon nadakip ang mga suspek sa tanggapan ng Jirah Security System, na matatagpuan sa Unit 801, 8th floor, Praise Tower, Santillan St., Brgy. Pio Del Pilar, Makati City.

Nadakip ang mga ito sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Acting Pre­siding Judge Lyliha L. Abella-Aquino­, ng Manila Regional Trial Court Branch.

Nabatid na ang Boiler­ Room o ang naturang opisina ay nag-ooperate sa pama­magitan ng pagtanggap ng   mga aplikante bilang mga call center agent at telemarketers at ang mga ito ang nakikipag-ugnayan sa magiging biktima nila.

Gamit ang mga com­puter, nakikipag-ugnayan sila sa magiging biktima nila sa pa­mamagitan ng internet at kukumbinsihin na  bumili ng share stocks at mag-invest sa kanilang kompanya.

Kapag pumayag ang magiging biktima, ipata-transfer ng mga ito ang pera sa pamamagitan ng banko at kapag nakapandenggoy ang naturang grupo ay bigla na lamang maglalaho ang mga ito at na­tangay na ang pera ng kanilang naging mga  biktima.

Ang target ng naturang grupo para biktimahin ay pawang retirees, pen­siyonado, lottery winner at mga nag-a-abroad.

Nabatid na inaresto ang 27 suspek sa aktong kino­kontak ng mga ito ang ilang  bik­tima sa pamamagitan ng VOIP na konektado sa ilang kompanya tulad ng Jira Security System, Questasia Solutions Inc., Greenpoint International HK at Staton International.

Nakumpiska ng mga pulis mula sa mga suspek  ang mga computer set, telephone fix switch, VOIPs, router, Ethernet converter at tatlong balikbayan boxes na naglalaman ng mga listahan ng posible nilang mga biktima.

 

Show comments