MANILA, Philippines - Nakatarak pa sa likod ang patalim nang matagpuan ang bangkay ng isang 34-anyos na lalaki na sinasabing may kapansanan sa pag-iisip sa harap ng kanyang bahay, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Nakilala ang nasawi na si Rosendo Dionio, Jr., residente ng Block 79 Lot 26, Brgy. Villamor, ng naturang lungsod. Blangko naman ang awtoridad sa pagkakakilanlan ng salarin.
Sa ulat, dakong alas-4:25 ng madaling-araw nang madiskubre ni Rolly Dionio, 36, ang duguang bangkay ng kapatid na nakasubsob sa harapan ng pinto ng kanilang bahay at nakatarak pa ang patalim sa likod.
Sa imbestigasyon ng pulisya, tinitignan ang anggulo na maaaring may kinalaman ang pagkakasangkot ng biktima sa isang kaso na isinampa ng isang kapitbahay noong nakaraang taon.
Nabatid na unang sinampahan ng kaso ng pamilya ng isang 14-anyos na dalagita ang nasawing si Rosendo nang pasukin nito sa loob ng bahay ang babae nang naka-hubo’t hubad at tinangkang gahasain umano ito.
Inihain ang kaso sa Pasay City Women and Children’s Protection Desk at isinampa ang kaso sa piskalya ngunit hindi ito umakyat sa korte makaraang mapatunayan na may kapansanan sa pag-iisip si Rosendo.